1. Home
  2. Sining
  3. Visual Arts

Dalawang Pilipino na artist nangibabaw sa Art Vancouver 2024

Kilalanin sina Karissa Narukami at William Orsua

Isang lalaki at babae na artists nag-selfie.

William Orsua, kanan, at kapwa art exhibitor, Karissa Narukami, kaliwa.

Litrato: William Orsua

RCI

Ang Art Vancouver 2024, isa sa pinakainaabangan na art event ng taon, nasaksihan ang nakamamanghang talento mula sa Canada at buong mundo mula Abril 11 hanggang 14 sa Vancouver Convention Center.

Isang grupo ng tao sa loob ng booth na puno ng painting.

Karissa Narukami, pang-apat mula kanan, kasama ang Consulate team, ang kanyang ina, pinakadulo kaliwa, at tita, pinakadulo kanan.

Litrato: PCG - Vancouver

Kabilang sa mga artist na tampok sa event sina Filipina Japanese Karissa Narukami at Filipino Canadian William Orsua, na ang kakaibang estilo at makabagbag-damdamin na salaysay ay binihag ang mga manonood.

Si Karissa, isang Pilipinang artist na na-diagnose na nasa autism spectrum disorder sa edad na dalawa, hinigitan ang expectations gamit ang kanyang hindi ordinaryong talento.

Siya ay mahilig sa lahat ng uri ng sining - pagguhit, pagpipinta at paglililok.

Ang tampok na artwork ni Karissa, Princess Chieko, hindi lang agaw-pansin dahil sa nakamamanghang aesthetics ngunit nakuha rin ang prestihiyosong parangal na mapili para sa Lunar Codex Polaris Collection.

Ibig sabihin ang art ni Karissa ay ipipreserba sa isang time capsule ng NASA at ipapadala sa buwan.

Ang kanyang foundation, Karissa Narukami Autism Foundation, nagsasagawa ng mga libreng art class para sa mga bata at kabataan, kasama ang may autism at iba pang developmental disabilities.

Isang grupo ng tao sa loob ng booth ng isang photographer.

Vancouver PCG team, pinangunahan ni Consul General Arlene Magno, pangatlo mula kaliwa, sa booth ni William Orsua na isang photographer.

Litrato: PCG - Vancouver

Si William, isa pang Pilipinong artist na tampok sa Art Vancouver 2024, dinala ang kakaibang perspektibo sa mundo ng photography.

Siya ay angat sa iba’t ibang genre tulad ng landscape, wedding, portrait at corporate photography, ipinapakita ang blend ng creative insight at technical expertise sa bawat imahe na kanyang kinunan.

Ang kanyang koleksyon sa exhibit kasama ang litrato ng Mayon Volcano.

Si William ay isang respiratory therapist na ang hindi inaasahan na hobby ay naging pangalawang karera bilang photographer.

Sa kasalukuyan siya ang may-ari ng Soul Mate Productions, isang professional photography company.

Ang Philippine Consulate General sa Vancouver, na pinamumunuan ni Consul General Arlene Magno, binisita ang mga booth nina William at Karissa.

Ang Vancouver International Art Fair, na kilala locally bilang Art Vancouver, ang pinakamalaking contemporary art fair sa Western Canada.

Hango sa news release ng Philippine Consulate sa Vancouver na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita