1. Home
  2. Pandaigdig
  3. Media

[Ulat] Jodesz Gavilan at ang pagkilala sa ipinakitang husay sa pamamahayag sa PH

Ibinahagi ni Gavilan ang kanyang inspirasyon para ipagpatuloy ang trabaho bilang mamamahayag

Si Jodesz Gavilan nagsalita sa kanyang speaking tour sa Toronto.

Binigyang spotlight ang husay ni Jodesz Gavilan sa larangan ng pag-imbestiga at pagsusulat para higit na maunawaan ang mahahalagang balita sa Pilipinas.

Litrato: FB/Embassy of Canada in the Philippines

Rodge Cultura

Nakilala si Jodesz Gavilan bilang researcher at tagasulat ng mga inimbestigahan na balita tungkol sa "war on drugs" ni Rodrigo Duterte, dating pangulo ng Pilipinas, sa epekto nito sa naiwang pamilya ng mga napatay, pagsubaybay sa mga kaso at sa mga personalidad na nadawit at hinahabol ng mga reklamo para mapanagot sa madugong kampanya ng gobyerno na nahaluan ng alegasyon sa pang-abuso at pagdanak ng dugo sa mga lansangan sa Pilipinas. Kilalanin si Gavilan at alamin kung paano siya napunta sa propesyon ng pamamahayag sa bansa na tinaguriang isa sa pinakamapanganib para sa mga journalist.

Isa sa huling isinulat na balita ni Gavilan ay ang tungkol kay Brigadier General Alden Delvo, isang mataas na opisyal sa Philippine National Police, na nagretiro sa serbisyo noong Abril 2024. Dito hinimay sa balita ni Gavilan ang pagkakadawit sa pangalan ng opisyal sa Davao Death Squad o DDS.

Ang Davao Death Squad ay ang grupo na inakusahang nasa likod ng daan-daang patayan sa lungsod ng Davao na sa akusasyon ay utos ng dating pangulo at noo’y si Mayor Rodrigo Duterte.

Idinetalye ni Gavilan sa report na 46 na beses pinangalanan si Delvo sa isinumite na salaysay ng dating pulis at umamin na Davao Death Squad hitman na si Arturo Lascañas nagsiwalat ng impormasyon sa operasyon ng grupo noon. Isang akusasyon na bahagi sa imbestigasyon ngayon ng International Criminal Court (ICC).

Ibinahagi kamakailan ni Gavilan sa kanyang social media post na ang pagreretiro ni Delvo bilang pinakamataas na opisyal ng pulisya sa Davao region, sa katimugang Pilipinas, habang pinaghahanap pa rin sa batas si Apollo Quiboloy, isang pastor na nahaharap sa mga kaso at kontrobersyal na lider ng simbahan, ay nanatiling walang sagot sa maraming katanungan ukol sa patayan na iniugnay kay Delvo at iniimbestigahan ng International Criminal Court.

Si Gavilan ngayon ay lead researcher para sa editoryal ng online news site na Rappler. Sa umpisa ng kanyang karera ay siyam na taon naging researcher, writer na nagho-host din ng lingguhan na podcast na Newsbreak si Gavilan paksa ang mga mahahalagang isyu at humihimay sa malalaking istorya sa Pilipinas.

Screengrab kay Jodesz Gavilan nang makapanayam ng Radio Canada International.

Ipinasilip ni Jodesz Gavilan ang kuwento ng kanyang trabaho bilang mamamahayag sa Pilipinas sa panayam ng Radio Canada International.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Pagkilala sa husay sa pamamahayag

Iginawad kay Jodesz Gavilan ang pagkilala bilang 2023 Marshall McLuhan Fellow for Excellence in Journalism.

Public interest and commitment to inform ... na-feel ko na hindi lang po siya affirmation na ginagawa ko ang trabaho ko, sabi ni Gavilan sa natanggap na pagkilala sa kanya nang siya ay makapanayam ng Radio Canada International.

Para sa akin isa siyang patunay na dapat ipagpatuloy ko ang ginagawa ko na pagsusulat tungkol sa mga biktima ng war on drugs ... 'yung impact nito sa mga pamilya na naiwan [ng mga napatay], ani Gavilan.

Ang Marshall McLuhan Fellowship program ay isang advocacy project ng Embahada ng Canada sa Pilipinas sa pakikipagtulungan ng Sun Life of Canada at Centre for Media Freedom and Responsibility (CMFR). Ang programa ay dalawampu’t anim na taon ng nagtataguyod sa husay ng journalism sa Pilipinas mula nang ilunsad ito noong 1997.

Noong buwan ng Pebrero ngayong taon ay nag-ikot si Gavilan sa apat na siyudad sa Canada para sa kanyang speaking tour at humarap sa iba’t ibang sektor. Nagkaroon ng pagkakataon na iprisenta sa kanyang lecture at sa mga diskusyon na maibahagi niya ang kanyang ginagawa at ang mahahalagang isyu para sa kanya bilang mamamahayag pagdating sa usapin ng karapatang pantao sa bansa.

Sa mga universities, sa mga local journalist groups, sa miyembro ng Filipino diaspora, sa mga Canadian media organizations kagaya ng Canadian journalists for human rights, sa ibang civil society organizations kagaya ng Asia Pacific Foundations of Canada at ilang opisyal ng gobyerno ng Canada at iba pang experts tungkol dun sa mga topics na may interes siya kagaya ng media freedom, engagement and participation, paglilinaw ni Carlo Figueroa, ang Public Affairs Officer ng Embahada ng Canada sa Pilipinas.

Bukod sa Toronto nag-ikot si Gavilan sa mga lungsod ng Ottawa, Winnipeg at Vancouver bilang bahagi ng kanyang speaking tour.

Si Jodesz Gavilan nagsalita sa harap ng mga tao.

Nagkaroon ng public lecture si Jodesz Gavilan sa Toronto Metropolitan University, roundtable discussions sa York University at sa Massey College sa University of Toronto kung saan pangunahing paksa ang tungkulin ng journalists sa pagbabalita sa isyu ng karapatang pantao sa Pilipinas.

Litrato: FB/Embassy of Canada in te Philippines

Nakasentro ang diskusyon ni Gavilan kung paano nag-e-evolve ang tungkulin sa pagbabalita ng mga mamamahayag sa Pilipinas sa harap ng usapin sa karapatang pantao.

Nakikita ko na hindi na lang tayo tipong journalist na pupunta sa isang lugar kakausapin mo ang biktima, aalis ka na. Nag-evolve na siya in a way na kapag nagpunta tayo sa isang komunidad, kakausapin natin ang mga tao at siniseguro natin na kapag alam na natin ang findings natin ipi-present natin sila sa mga tamang tao na may kayang gawin na pagbabago o pag-usapan ‘yong findings.

Sa Rappler, nagpi-pivot po kami sa pag-build ng communities at pag-bridge ng gap sa journalist at community action, giit ni Gavilan.

Sino si Gavilan?

Nagtapos si Jodesz Gavilan sa pag-aaral ng Bachelor of Arts in Journalism sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla ng Unibersidad ng Pilipinas noong 2013.

Tinangka ni Gavilan na tuparin ang pangarap ng magulang para sa kanya na maging isang abogado.

Kaya nakita ko na journalism po ang maganda na pre-law [program]. Pero kalaunan noong 2013 nag-intern po ako sa Rappler. Nakikita ko 'yung ganda ng ginagawa ko po na journalism work. Naisip ko na pwede ko gawin ito na trabaho, sabi ni Gavilan.

Noong 2014 na-hire siya bilang researcher ng Rappler. Enero 2015 naman nang mag-fulltime na siya bilang researcher and writer at simula noon ay nagtuloy-tuloy na si Gavilan sa mundo ng pamamahayag.

Ang mga ginagawa ko madalas ay mahahaba na istorya o pieces related sa human rights especially nung nagsimula 'yung Duterte administration noong 2016. Ang sinusulat ko po dito 'yung sa mga pamilya na naiwan. Kung ano po 'yung challenges na hinaharap nila. 'Yung nabago sa buhay nila kada taon hanggang ngayon kahit tapos na ang Duterte administration, sabi niya.

Sa naging trabaho na sa isang dekada ay lalong napahusay ni Gavilan ang pagsasaliksik at pagsusulat ng balita. At ilan sa mahahalagang balita na kanyang ginagawa ay ang sundan ang mga istorya ng mga pamilyang namatayan panahon ng "drug war" ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas.

Natutunan ko na ilalagay mo sa gitna ng mga istorya mo ang mga tao. Kailangan kasi may mukha 'yung mababasa na istorya at ang mga mukha na ito ay 'yung mga pamilya [ng biktima sa drug war], dagdag ni Gavilan.

Kaligtasan ng mamamahayag sa Pilipinas

Sa tala ng Centre for Media Freedom and Responsibilty (CMFR) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) aay umabot na sa 135 ang insidente ng pag-atake at pagbabanta laban sa media workers sa Pilipinas mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2024.

Iniulat na sa panahong iyon, merong 75 na kaso ng pagbabanta ang naitala. Walong journalists ang sinampahan ng kasong libelo at cyberlibel.

Tatlo ang mga naitalang pinatay: Rey Blanco noong Setyembre 2022, Percy Lapid noong Oktubre 2022 at Cresencio Bunduquin noong Mayo 2023.

Grap mula PCIJ na nagpakita sa bilang ng pag-atake sa media sa Pilipinas.

Isang grap mula sa Philippine Centre for Investigative Journalism. Umabot na sa 135 ang kasong naitala na pag-atake o kaya ay pagbabanta sa media workers sa PIlipinas ayon sa ulat ng Centre for Media Freedom and Accountability mula noong ika-1 Hulyo 2022.

Litrato: Mula sa website ng PCIJ/CMFR

Sa naiulat na mga kaso ng pag-atake ay 50 kaso o 37 porsyento sa mga ito ay sakop ng estado: 32 sa mga ito ay nagmula sa pwersa ng gobyerno gaya ng militar, pulis at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, siyam mula sa national government, walo mula sa lokal na gobyerno; at isa ay sa banyagang bansa.

Ang mga pangyayaring ito ay nakakabalisa at kailangang pagtuunan ng pansin para sa kampanya at adbokasiya, saad sa report. Ang datos ay iprinisenta sa ginanap na unang Philippine Media Safety Summit.

Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines sa World Press Freedom Day ngayong taon ay binigyang-diin ang kahalagahan na protektahan ang mga journalist lalo na sa pangangalap ng balita hinggil sa climate change at sa mga istorya na tumatalakay sa tumitinding pagkasira ng kapaligiran.

Suporta sa mamamahayag

Ibinahagi ni Jodesz Gavilan na minsan ay pinakiusapan siya ng kanyang pamilya na maghanap ng bagong karera, trabaho sa gobyerno na mas mataas ang sahod o kaya maghanap ng oportunidad sa ibang bansa.

Pero mas matimbang sa kanya ngayon ang kanyang trabaho bilang mamamahayag at dahil rin sa sinusundan na istorya para sa pamilya ng mga nawalan ng mahal sa buhay.

At this point of my life, hindi ko po kaya 'yun dahil ang obligasyon ko nandun sa pamilya. Hindi naman nila sinasabi ng mga biktima na mag-stay ka dito. Pero pangako ko sa sarili ko talaga na [dito muna ako] hanggang wala pang hustisya sa nangyari. Hindi pa ito napapanagutan ng mga nasa kapangyarihan siguro dito pa rin po ako [muna] hanggang kaya ko, aniya.

Malaking bagay umano na ramdam ni Gavilan ang suporta sa trabaho mula sa kasamahan sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan.

Sinasabi din ito ng boss ko na si Maria [Ressa], na kung anuman ang mangyari in the future gusto mo masabi sa sarili mo na ginawa mo lahat ng iyong magagawa. Hindi ka umatras. Hindi ka sumuko. You held the line. Gusto ko po magawa 'yung punto na masabi ko na ginawa ko ang lahat ko bago ako sumuko.

Hindi pa itinuloy ni Gavilan na maisakatuparan ang maging abogado na pangarap din ng kanyang magulang. Pero mahalaga para sa kanya na sa ginagampanan na trabaho sa pagbabalita ay nabibigyan niya ng boses ang mga naghahanap ng katotohanan at sa mailap na katarungan sa mga istorya na kanyang hawak.

Naglakad si Jodesz Gavilan sa hall ng CBC News.

Sinabi ni Jodesz Gavilan na hindi siya handang sumuko sa trabaho at nais niyang makatulong na mapalakas ang lumalaking komunidad ng sources sa mga isinusulat na balita.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Patuloy na nagtatrabaho bilang lead researcher ngayon si Gavilan para sa online news site na Rappler sa Pilipinas.

Kaugnay na mga ulat

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita