1. Home
  2. Kapaligiran
  3. Mga insidente at natural na kalamidad

[Ulat] 1,200 nagsilikas sa wildfire sa Fort McMurray nasa Edmonton ayon sa ESRT

Bilang ng evacuees na maghahanap ng matitirhan sa Edmonton asahang tataas pa: Emergency Services Response Team

Mga evacuees sa Clareview Community Recreation Centre sa parte ng Hilagang Edmonton.

Pinapayuhan ng Emergency Services Response Team sa Edmonton, Alta. ang mga nagsilikas na maghanda ng identification para mabilis na maasikaso. Kabilang sa tsinetsek ang pagkakilanlan ng evacuees kung saan sila galing na komunidad.

Litrato: Radio-Canada / RCI/Rodge Cultura

Rodge Cultura

Patuloy ang pagdating ng daan-daang lumikas mula Fort McMurray sa sinet-up na evacuation centre sa Lungsod ng Edmonton mula nang ilabas ang evacuation order ng Regional Municipality of Wood Buffalo noong Mayo 14. Ang bilang ay inaasahan na patuloy pang tataas habang nilalabanan pa ang wildfire malapit sa apektadong mga komunidad ayon sa tagapagsalita ng Emergency Services Response Team (ESRT) ng Edmonton.

Ang mga lumikas mula Fort McMurray ay napilitan iwan ang kanilang mga tirahan matapos iutos ng munisipalidad ng Wood Buffalo noong Martes ang evacuation dahil sa nagbabadyang panganib ng wildfire sa parteng timog ng siyudad.

Pinalikas noong araw ng Martes ang mga residente sa komunidad ng Prairie Creek, Beacon Hill, Abasand at Grayling Terrace sa Fort McMurray sa utos ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Jinky White, isang Canadian Filipino na lumikas mula sa Prairie Creek, tanaw mula sa iniwang bahay ang makapal na usok na nanggaling sa inaapula na wildfire.

Sobrang nakakatakot dahil nasa parte ng Prairie Creek kami. Malapit siya sa landfill, ani White sa panayam ng Radio Canada International. Kung lalabas sa bahay makikita mo 'yung makapal na usok, napakaitim. Dahil na rin sa trauma noong 2016 wildfire kaya lumikas talaga kami.

Si Jinky White hawak ang kanyang cellphone.

Nanumbalik sa alaala ni Jinky White ang naganap na malawakang wildfire sa Fort McMurray noong 2016.

Litrato: Radio-Canada / RCI/Rodge Cultura

Ito ang pangalawang beses na napilitan si White na iwanan ang tirahan sa Prairie Creek. Sariwa pa sa kanya ang nangyaring paglikas noon kasama ang asawa dahil din sa matinding wildfire noong 2016.

Sa update ng wildfire Huwebes ng umaga, ipinaalam ni Fire Chief Jody Butz, ang direktor ng Emergency Management, na walang gusali o imprastraktura ang naiulat na apektado sa wildfire sa ngayon.

Gumamit ng 22 helicopters at 57 heavy equipment ang firefighters para pigilan ang wildfire na naiulat kumalat sa lawak na 20,000 ektarya. Out-of-control at hindi pa humuhupa ang wildfire.

Nagdagdag ng 40 tauhan ang Royal Canadian Mounted Police (RCMP) para tulungan na makalikas ang apektadong mga residente.

Kaugnay na ulat

Kinumpirma ni Butz na may 2,133 evacuees na ang lumapit sa mga reception at evacuation centres sa mga kalapit na lugar.

Sa Edmonton, umabot na sa 1,200 ang evacuees ang dumulog at nagpalista araw ng Huwebes mula nang buksan ang Clareview Community Recreation Centre ayon kay Dawn Dixon, Emergency Support Response Team (ESRT) Incident Commander sa evacuation centre.

Nasa 55 alagang hayop naman ang inaasikaso sa Animal Care and Control na itinayo sa evacuation centre.

Ang Alberta Emergency Management Agency, hiningi nila na tumulong kami at tulungan masuportahan ang paglikas. Kaya may reception centre dito para may mapuntahan ang evacuated residents, at para na itong one-stop shop sa kailangan nila na serbisyo, sabi ni Mike Steger, spokesperson ng Emergency Services Response Team sa Edmonton, sa panayam ng Radio Canada International.

Si Mike Steger nakatayo sa labas ng Clareview Community Recreation Centre.

Sinabi ni Mike Steger, spokesperson ng Emergency Services Response Team ng Edmonton, na naghahanda sila na maiparating ang tulong gayong posible na lolobo pa ang bilang ng evacuees sa Edmonton, Alta.

Litrato: Radio-Canada / RCI/Rodge Cultura

Abala ang mga tauhan ng Emergency Services Response Team sa pakikipagtulungan ng Canadian Red Cross, para alalayan ang Clareview Community Recreation Centre na naging takbuhan ng evacuees sa Lungsod ng Edmonton.

Nariyan ang Canadian Red Cross para i-assist sila sa lodging. May mga damit kami at toiletries sakaling dahil sa pagmamadali ay wala silang nabitbit. Mayroong animal care and control dito para sa pet care kapag meron silang kailangan gawin at kailangan nila ng taga-alaga sa umaga, binabantayan namin ang alaga nila, dagdag ni Steger.

PANOORIN | Nagbigay ng update ang Alberta Emergency Management sa nagaganap na wildfire:

Ayon kay Steger inaasahan nilang lolobo pa sa sanlibo na evacuees ang dadagsa at mangangailangan ng tulong kabilang na ang matutuluyan sa darating pa na mga araw. Kasama umano sa tinitingnan ang paghahanap ng magagamit na hotel rooms para sa evacuees sa karatig lugar sa Edmonton.

Iyan ang isang bagay na binabantayan namin kasama ang Canadian Red Cross na nakikipag-usap sa mga hotel. Nakikita ngayon na hindi lang sa Edmonton at maghahanap pa sa iba para sa dagdag na hotel rooms. Mayroong magaganap na events ngayong weekend. Kaya medyo hirap makahanap ng hotel rooms, dagdag ni Steger.

Ang evacuees ay binibigyan ng suporta para sa buong linggo habang patuloy na ina-assess ang kaligtasan ng mga residente sa babalikan na komunidad. Hindi pa tiyak kung kailan sila makababalik sa kani-kanilang mga tirahan.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita