1. Home
  2. Pandaigdig
  3. Negosyo

Pilipinas lumahok sa ika-4 na Halal Expo Canada sa unang pagkakataon

Inimbitahan ng bansa ang Canadians na mag-invest sa Philippine halal industry

Isang grupo ng mga lalaki at babae sa harap ng booth ng Muslim Filipino Association of Canada sa loob ng expo.

Ang delegasyon ng Pilipinas kasama si Consul General Angelica Escalona, ikalima mula kanan, at ang mga miyembro at advisors ng Muslim Filipino Association of Canada.

Litrato: Philippine Consulate General Toronto

RCI

Isang delegasyon na binubuo ng gobyerno ng Pilipinas at mga kinatawan ng pribadong sektor ang lumahok sa ika-4 na Halal Expo Canada na naganap sa The International Centre sa Mississauga, Ont., noong Mayo 8 hanggang 9. Ito ang unang pagkakataon na sumama ang Pilipinas sa Halal Expo Canada.

Nagbigay si Aleem Siddiqui Guiapal, manager ng Halal Program ng Philippine Department of Trade and Industry (DTI), ng presentasyon tungkol sa halal ecosystem ng Pilipinas sa naturang okasyon. Ibinahagi niya na ang halal economy ay hindi lang sumasaklaw sa pagkain kundi sa pananalaping Islamiko, halal na turismo at recreation, modest fashion at halal pharmaceuticals at cosmetics.

Pagdating sa halal na pagkain, sinabi ni Guiapal na ang Pilipinas ay nag-e-export ng saging, pinya at cosmetics karamihan sa Gitnang Silangan at mga katabing bansa sa Timog-silangang Asya. Gayunpaman, binigyang-diin niya na may significant supply gap sa Pilipinas. Noong 2022, ang halal imports sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng $120 milyon US na binubuo ng halal dairy products, poultry meat at glucose syrup na inaangkat mula sa Estados Unidos, New Zealand at India.

Nagsalita si Guiapal tungkol sa halal industry roadmap ng Pilipinas, na naglalayong i-promote ang bansa bilang isang premium halal-friendly hub sa Asia-Pacific region. Iniimbitahan ko kayo na mag-invest sa halal industry ng Pilipinas, na isang sunrise industry, aniya.

Nagbigay rin ng presentasyon si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Deputy Speaker of Parliament Atty. Lanang Ali Jr. tungkol sa pag-i-invest sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao region. Lumagda ng isang partnership ang Philippine Department of Trade and Industry sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa micro, small at medium enterprises upang makinabang mula sa mga halal na inisyatiba.

Ang mga partisipante ng Halal Expo Canada ay inimbitahan na lumahok sa Halal Expo Philippines na magaganap sa World Trade Center sa Maynila sa Nobyembre 14 hanggang 16 ngayong 2024.

Hango sa news release ng Philippine Consulate General - Toronto na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita