1. Home
  2. Ekonomiya
  3. Negosyo

Honda Canada pinili ang Port Colborne para sa susunod na planta sa EV supply chain

Ang joint venture kasama ang Asahi Kasei Corp. itatayo ang unang lithium ion separator plant ng Canada

Justin Trudeau, Toshihiro Mibe at Doug Ford sa planta ng mga sasakyan.

Ang $15-bilyon na investment ng Honda Canada para itaguyod ang isang Canadian electric vehicle supply chain inanunsyo noong Abril.

Litrato: La Presse canadienne / Nathan Denette

RCI

Ang susunod na komunidad na nakatakdang magkaroon ng malaking boost sa lokal na ekonomiya bilang parte ng $15 bilyon na investment ng Honda Canada para itaguyod ang isang Canadian electric vehicle supply chain ay nasa Port Colborne, Ont.

Inaasahan ang company executives na sasamahan sina Prime Minister Justin Trudeau at Ontario Premier Doug Ford, gayundin si federal Innovation Minister François-Philippe Champagne at ang economic development minister ng Ontario, si Vic Fedeli, at mga munisipal na lider sa isang opisyal na pag-anunsyo sa Martes.

Noong Abril 25, inanunsyo ng Honda ang pangunahing pagpapalawak ng kanilang orihinal na Canadian na pasilidad sa Alliston, Ont., sa parehong manufacture batteries at assemble electric vehicle na versions ng kanilang top-selling brands. Sa parehong araw, inanunsyo ng Asahi Kasei Corporation ng Japan ang isang bagong partnership sa Honda para itayo ang kauna-unahang lithium ion battery separator plant ng Canada sa Ontario — ngunit ang munisipalidad na naging successful bidder para sa pasilidad na ito ay hindi pa inilahad.

Unang iniulat ng iPolitics na iaanunsyo ng Honda ang isang pasilidad sa Niagara region ng Ontario. Noong weekend, kumalat ang balita sa social media na Port Colborne ang napili. Kinumpirma ng isang senior government source ang lokasyon sa CBC News ngayong Lunes.

Sinabi sa anunsyo ng Asahi Kasei noong nakaraang buwan na ang partner ng Honda ay mag-i-invest ng halos $1.6 bilyon sa separator facility na ito.

Ang pederal at probinsyal na mga gobyerno ay mag-aambag ng $2.5 bilyon na tax credits bawat isa at iba pang insentibo para akitin ang negosyo ng Honda sa Ontario sa gitna ng mahigpit na kompetisyon sa mundo para sa bagong electric vehicle manufacturing investments. Ang mga gobyerno hindi pa inilalahad kung ano'ng bahagi ng mga insentibong ito ang nakatulong sa pag-secure ng planta sa Port Colborne.

Ang Winnipeg ay kasama sa mga pinagpilian para sa separator plant, ibinida ang abilidad ng Manitoba para magbigay ng renewable electricity at critical minerals. Gayunpaman, ang kapitolyo ng Manitoba ay na-outbid ng timog-kanlurang Ontario.

Na-miss out din ng Quebec ang Honda manufacturing facility. Nang inilahad ng kompanya noong nakaraang buwan na itatayo nito ang lahat ng kanilang bagong planta sa Ontario, nagreklamo ang gobyerno ni Quebec Premier François Legault na ang Japanese carmaker ay naging sakim.

Ang isa pang munisipalidad sa Ontario na nakapila para sa isang cathode active material and precursor (CAM/pCAM) processing plant, bilang parte ng joint venture kasama ang POSCO Future M Co., Ltd. ng South Korea, ay inaasahan na iaanunsyo ng Honda sa mga darating na linggo.

Sa gitna ng lumalaking alalahanin tungkol sa pagiging abot-kaya ng electric vehicles para sa mga konsyumer, sinabi ng Honda na mababawasan nito ang battery-making costs ng 20 porsyento sa pamamagitan ng vertically integrated supply chain na itinataguyod ng kompanya sa Ontario.

Ang probinsya ay mayroon na handang network ng automotive parts suppliers at nag-aalok ng clean electricity grid, gayundin ng isang convenient highway at bridge access sa mahalagang American consumer market.

Ang Canada at Japan ay kapwa miyembro ng Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership, isang trade deal na pinahihintulutan ang reciprocal labour mobility, gayundin ang preferential tariff treatment para sa automotive parts at mga behikulo, kung ang requirements nito para sa regional manufacturing ay maibibigay.

Isang artikulo ni Janyce McGregor (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita