1. Home
  2. Teknolohiya
  3. Cybersecurity

Canada ipinagbawal ang TikTok mula sa mobile devices na inisyu ng gobyerno

Ginawa ng Chief Information Officer ang desisyon dahil sa mga alalahanin sa seguridad

TikTok app sa screen ng isang smartphone.

Ang video-sharing platform na TikTok na ginagamit ng milyong-milyong Canadians (archives).

Litrato: Getty Images / AFP / LIONEL BONAVENTURE

RCI

Ang pederal na gobyerno ng Canada ay tatanggalin at iba-block ang video-sharing platform na TikTok mula sa lahat ng federal government devices dahil sa mga kadahilanang pangseguridad.

Sa isang email na ipinadala sa mga empleyado ng Global Affairs ngayong Lunes, sinabi ng mga opisyal ng departamento na nagdesisyon ang Chief Information Officer ng Canada matapos ang isang review. Napag-alaman ng review na ang data collection methods ng TikTok ay maaaring mauwi sa cyber attacks, saad sa email.

Ang app ay ide-delete at iba-block sa lahat ng government-issued mobile devices sa Pebrero 28. Unang iniulat ng National Post ang istorya. (bagong window)

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Gobyerno ng Canada para tiyakin ang cyber security ng ating mga network sa pamamagitan ng pagkilala sa mga banta at kahinaan, kabilang ang nasa social media platforms, saad sa email.

Patuloy na imo-monitor ng gobyerno ang sitwasyon at makikipagtrabaho sa mga partner upang panatilihing secure ang impormasyon sa ating mga sistema at networks.

Espesyalisasyon ng TikTok ang pagbabahagi ng maiikling bidyo. Ang Beijing-based internet technology company na ByteDance ang may-ari ng platform; ang pagmamay-ari nito ay nagbunsod ng mga alalahanin sa isang panahon na may matinding tensyon sa pagitan ng Tsina at ng West.

Nang tumugon sa tanong ng CBC News ngayong Lunes, hindi sinabi ni Prime Minister Justin Trudeau kung ang kanyang gobyerno ay kinokonsidera ang isang country-wide ban.

Maaaring ito ang unang hakbang. Ito marahil ang kaisa-isang hakbang na kailangan nating gawin, pero every step of the way, sisiguraduhin natin na pananatilihin nating ligtas ang mga Canadian, ani Trudeau sa isang news conference.

Tiyak, sa tingin ko habang ginagawa ng gobyerno ang mahalagang hakbang ng pagsasabi sa lahat ng pederal na mga empleyado na hindi na nila maaaring gamitin ang TikTok sa kanilang work phones, maraming Canadians … ang magmumuni-muni tungkol sa seguridad ng kanilang sariling data at marahil gagawa ng choices gawa nito.

Sinabi ni Prime Minister Justin Trudeau noong nakaraang taon na ang electronic spy agency ng Canada, ang Communications Security Establishment (CSE) ay “mahigpit" na binabantayan ang TikTok.

TikTok tumugon sa ban

Sinabi ng isang tagapagsalita ng TikTok na hindi ipinaalam ng gobyerno sa kompanya ang kanilang desisyon bago nito inanunsyo ang ban.

Kami ay dismayado sa Chief Information Offices ng Canada na kumilos ito para i-block ang TikTok sa government-issued mobile devices na hindi man lang nagbanggit ng anumang espisipikong security concerns tungkol sa TikTok o kinontak kami para pag-usapan ang anumang concern bago ito nagdesisyon, sinabi ng tagapagsalita sa isang email sa CBC News.

Kami ay palaging available na makipagkita sa mga opisyal ng gobyerno para pag-usapan kung paano namin pinoprotektahan ang privacy at security ng Canadians, pero ang pagsi-single out sa TikTok sa ganitong paraan ay walang magagawa para maabot ang aming shared goal na iyon. Ang ginagawa lamang nito ay pagbawalan ang mga opisyal mula sa pag-abot sa publiko sa isang platform na mahal ng milyong-milyong Canadians.

Basahin ang buong istorya rito. (bagong window)

Isang artikulo ni Richard Raycraft (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita