1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

Asian Heritage Month: Pilipino na artist ipinakita ang paggalang sa matanda, kultura

Ang 'Mano po' ay paghalik ng mas nakababatang tao sa kamay ng mas nakatatanda

Pepito Escanlar hawak ang kanyang iskultura.

Ang tahanan ni Pepito Escanlar sa Regina ay puno ng art, kasama ang iskultura na kanyang ginawa na ipinapakita ang karaniwang kaugalian ng mga Pilipino na pagmamano, kung saan ang mas nakababatang tao ay hinahalikan ang kamay ng mas nakatatanda.

Litrato: CBC / Janani Whitfield

RCI

Ang Filipino Canadian artist na si Pepito Escanlar mas matagal na namuhay sa Canada kaysa sa bansa kung saan siya ipinanganak, ngunit ngayon ginagamit niya ang mga alaala ng kanyang kabataan upang dalhin ang spirit ng Pilipinas sa Regina.

Ang 73-anyos ay pumunta sa Canada noong 1975 at ilang dekada nagtrabaho bilang arkitekto. Noong nagretiro siya taong 2016 sinimulan niyang ideboto ang kanyang oras sa pagpipinta at noon niya natagpuan ang kanyang totoong passion.

Sinimulan kong isipin ang mga araw ng aking kabataan, ang mga lugar kung saan ako lumaki. At naisip ko dapat ipinta ko ang aking heritage at ang aking kultura, aniya.

Ang mga imahe — mga batang naglalaro o mga taong nagtitinda sa kalsada — ay nagsimulang dumaloy sa kanya.

Ang isa sa kanyang mga painting na ipinost online tampok ang nagtitinda ng bulaklak, in-exaggerate ni Escanlar ang facial features ng babae upang ipakita ang mga taon ng kanyang pagsusumikap at pakikibaka.

May isang sumulat sa akin ng email sumang-ayon na, alam mo ‘yun, na talagang ang babaeng ito na ipininta ko, itong flower vendor, ay talagang isang masipag na tao at nagtrabaho nang husto para itaguyod ang pamilya. Sabi niya (nung sumulat), ‘Alam ko ‘yun kasi ako ang anak niya.’

As it turns out, ang vendor ay nagtrabaho nang mabuti upang makapag-aral ang kanyang dalawang anak, ang dalawang batang babae ay nag-aaral ng law at medicine.

Hindi ba nakamamangha ‘yun? Akala mo isa lang siyang flower vendor, pero ang kanyang mga anak ay successful, ani Escanlar.

PANOORIN | Filipino artist ipinakita sa CBC Saskatchewan ang kanyang proseso:

Ang dignidad at lakas ng mga nakatatanda ay makikita sa iskultura ni Escanlar na kanyang nilikha kamakailan. Inilalarawan nito ang karaniwang kaugalian ng mga Pilipino na tinatawag na pagmamano, kung saan ang nakababatang tao ay hinahalikan ang kamay ng nakatatanda. Ang base ng iskultura ay nagpapakita ng maliliit na makukulay na kahon, kumakatawan sa mga regalo na ibinibigay ng matatanda sa mga bata.

‘Yung regalo, hindi nangangahulugan na physical things o monetary things, pero ‘yun ay karunungan, ang kaalaman at karanasan na ibinabahagi ng mas matanda sa isang bata, ani Escanlar, binigyang-diin na ito ang pinaka-precious na regalo sa lahat.

Mga kamay na hinuhubog ang isang iskultura na gawa sa alambre.

Ipinakita ni Pepito Escanlar ang mga hakbang sa kanyang artistic process.

Litrato: CBC / Janani Whitfield

Ani Escanlar, noong una, siya ay namangha nang magsimulang halikan ng mga nakababata ang kanyang kamay para ipakita ang paggalang, ngunit ngayon tinanggap na niya ang kanyang estado bilang nakatatanda.

Hinarap din niya ang sariling mga problema — isang recession noong 1980s, pagkawala ng trabaho at iba pang hamon sa buhay — ngunit tulad ng flower vendor na ipininta niya noon, nalagpasan niya ito.

Ang pagbabahagi ng kanyang mga istorya at kultura sa sariling pamilya, at sa iba pang miyembro ng lipunan ng Canada, ay isang bagay na malapit sa kanyang puso.

Kami ay nagpapasalamat na tinanggap kami ng Canada bilang mga imigrante, aniya, habang pinagmumunihan ang kahalagahan ng Asian Heritage Month para sa kanyang sarili.

Mayroon din kaming mga problema, siyempre, habang nag-a-adapt sa bagong bansa, pero sa kabuuan sa palagay ko we did very well at dapat magpasalamat para roon at ibahagi ang aming appreciation sa pamamagitan ng pagiging mabuting mamamayan.

Isang artikulo ni Janani Whitfield (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita